Tula Para sa Kristiyano
GRACE ANN BUELA | THE AUTHOR
Lumipas na ang tag-araw
Bawat isa ay giniginaw
Unti-unting humina ang sigaw
Pagkat kahinaan ang siyang nangingibabaw
Masdan mo ang bawat isa
Nakayuko at balisa
Mga labi ay di maibuka
Maging ang mukha ay di maipinta
Ngayon ay araw ng pagsamba
Ngunit bakit puso ay puno ng galit at pangamba?
Lahat tayo nanibago
Binabalot nang lungkot at pagkabigo
Pagkakaisa ay naglaho
Daang matuwid ay tila lumiliko
Masdan mo ang paligid
Tila may kaniya-kaniyang silid
Ang dating pantay bakit ngayo'y nakatagilid?
Nasaan na ang pagkakaisa?
Nalimot na ba dahil sa problema?
Tayo'y isang pamilya
Pinagbuklod ng isang pananampalataya
'Wag nating hayaang masira ang haligi
Dahil lamang sa pagkakampi kampi
Pagkakabahagi ay ating iwaksi
Upang ang pag-ibig ay laging manatili
Sana'y matuto kang makiramdam
Hindi laging ikaw lang ang may dinaramdam
Matuto parin sana tayong rumispeto
Sa kabila ng problema at mga isyu
Lahat tayo may pagkakasala
Pero bakit parang isa lang ang nagkasala
Panalangin at pagkakaisa
Hindi ang paninira
Ang mundo'y umiiyak
Sa kinabukasang di tiyak
Panalangin ang kailangan
Upang hirap ay tuluyan ng maibsan
Muli nating punuin ng himno
Ang bawat sulok ng ating mundo
Pagpupuri ang siyang ating liriko
Na magiging panlaban sa anumang gawa ng diyablo
Muli nating buuin ang tulay
Tulay na winasak ng kaaway
At muli tayong maglalakbay
Hawak kamay
Hanggang sa panibagong buhay.
Comments
Post a Comment
Leave your comment and additional information..